Panawagan sa mga Manunulat ng Panitikang Pambata
Deadline: Hunyo 11, 2024
Palihan: Hulyo 11-13, 2024
Lunan ng Palihan: UP Diliman
Nananawagan ang Larangan ng Malikhaing Pagsulat ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) at ang International Board on Books for Young People Philippines (IBBY Philippines) sa mga manunulat ng panitikang pambata, partikular sa mga anyo ng tula at maikling kuwentong pambata.
Pagpupugay ang palihang ito kay Rene O. Villanueva, naging guro, mentor at kaibigan ng DFPP. Sa kanyang buhay, nagkamit siya ng mga parangal para sa kanyang mga akdang pambata tulad ng Ang Unang Baboy sa Langit, Kung Bakit Umuulan, at Nemo, Ang Batang Papel na pawang nanalo sa Palanca Memorial Awards. Siya ang kauna-unahang Pilipinong nominado sa Hans Christian Andersen Award. Naging head writer siya ng Batibot, na umabot sa higit na dalawampu’t limang taon sa ere, naging palagiang kaibigan ng mga batang Filipino ang mga nilakhang tauhan dito tulad nina Pong Pagong at Kiko Matsing. Isa rin sa mga nilikha niyang kahalina-halina, ubod ng talinong pagkukuwento ang Ang Pambihirang Buhok ni Lola. Nagtataguyod at kumilala sa katapangan at kabayanihan ng mga Pilipina na naisantabi ng kasaysayan.
Ilan lamang ang mga ito sa nagawa ni Rene Villanueva sa pagtataguyod ng panitikang pambata ng Pilipinas. Inilalagay ng kanyang mga akda ang bata sa sentro, mahalaga, aktibo, at nagtatanong, at nagbubunsod ng pagbabago.
Isasagawa ang palihang ito dahil naniniwala tayo na ang panitikang pambata ay panitikan. Sumusunod ito sa estetika ng paglikha ng panitikan. Kung kaya, bubuwagin ng palihang gaganapin ang pagtingin na “madaling lumikha ng panitikang pambata.” Bunsod ang gayong pagtingin na walang sinusundang estetika ang panitikang pambata dahil sa pagtinging “pambata lamang” ito kaya’t kahit paano na lamang ang pagsulat nito. Mali. Kawalan ito ng paggalang sa bata at panitikan. Sa paglikha, lagi at laging nabibigyan ng paggalang, tinig at kapangyarihan ang bata.
Tuntunin sa Pagpapasa:
1. Dalawang genre o uri lamang ang tatanggapin sa taong ito, maikling kuwento o tula.
A. Para sa Maikling kuwento, Dalawang (2) akda, 5-10 pahina.
Format: Arial, Book Antiqua, or Times New Roman, font size 12, doble-espasyo 1x 1 margin; nasa gitnang ibaba ang pahina, ex., 1 of 5, 2 of 5, etc.
B. Para sa tula – Lima hanggang sampung (5-10) tula, maaari ding magpasa ng isang mahabang tula na di lalagpas ng sampung (10) pahina.
Format: Arial, Book Antiqua, or Times New Roman, font size 12; nasa gitnang ibaba ang pahina, ex., 1 of 5, 2 of 5, etc.
2. Poetika ng manunulat o isang personal na sanaysay na pumapaksa sa pagsulat para sa mga bata bilang introduksiyon sa sariling akdang pambata. Sinasagot nito ang mga katanungang "Bakit ako sumusulat at bakit sa ganitong anyo at nilalaman? Para kanino? Kung para sa bata o para sa kabataan, ano ang nais kong ihayag sa aking panulat?"
3. Layunin ng palihan na mailathala ang mga akdang sumalang sa palihan kasama na ang naisulat na poetika ng mga fellows. Pagkaraan ng palihan, may programang mentorship upang higit na magabayan ang mga manunulat sa pagpapaunlad ng kanilang manuskrito.
4. Filipino ang wika ng mga manuskrito.
5. Target na mambabasa: 7-12 taong gulang.
6. Ang mga akdang pambata ay maaaring tumalakay sa mga sumusunod na paksa: a. solusyon sa kahirapan, b. pagtugon sa gutom, c. pagpapanatili ng kalusugan, d. mataas na kalidad ng edukasyon, e. pagkapantay-pantay ng kasarian, f. access sa malinis na tubig at sanitasyon, g. abot-kaya at malinis na mapagkukunan ng kuryente at enerhiya, h. disenteng trabaho at pag-unlad ng kabuhayan, i. kabuhayan, inobasyon, at imprastraktura, j. pagtugon sa di pagkapantay-pantay, k.sustainable na siyudad at pamayanan, l. responsableng pagkonsumo at produksiyon, m. pagtugon sa krisis sa klima, n. buhay sa dagat, o. buhay sa lupa, p. kapayapaan at hustisya.
7. Magbigay ng maikling biographical note (di dapat lumagpas ng 150 salita) at larawan ng may-akda.
8. Hindi pa nalalathala ang mga akda at di dapat naisumite sa ibang palihan.
9. Ipadala ang mga aplikasyon sa PalihangReneVillanueva1@gmail.com. Subject heading: Apelyido_Pangalan_Genre. Hal. Villanueva_Rene_Maikling kuwento.
10. Ang deadline sa pagsusumite ay Hunyo 11, 2024.
11. Kung manggagaling ang fellow mula sa rehiyon, hindi sasagutin ang anumang bayarin sa transportasyon. Sasagutin ng palihan ang pagkain at akomodasyon ng mga mapipiling fellow.
12. Ang mga fellow ay inaasahang manatili sa palihan sa loob ng tatlong araw. Ikalendaryo ang Hulyo 11-13, 2024. Hindi dapat mag-aplay ang mga hindi sigurado sa petsang ito.
#PalihangReneOVillanueva
#PanitikangPambata
No comments:
Post a Comment
Thanks for dropping by! Hope you can follow me:
Youtube: http://youtube.com/Pintura14
FB Pages: http://facebook.com/vintersections | http://facebook.com/i.imagine.green
Twitter/IG/Tiktok/Pinterest: @ronivalle