Wednesday, January 25, 2012

Talaang Ginto 2012: Gawad Surian sa Tula (Rules & Guidelines)

Ang TALAANG GINTO: GAWAD SURIAN SA TULA - GANTIMPALANG TAMAYO ay timpalak sa pagsulat ng tula na itinataguyod kapuwa ng Komisyon sa Wikang Filipino at Antonio Laperal Tamayo Foundation na siyang magkakaloob ng gantimpalang salapi para sa timpalak na ito kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing Ikalawa ng Abril taon-taon.

Nilalayon ng timpalak na lalo pang pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino.
 
Mga Tuntunin:
1.  Bukas ang timpalak sa lahat, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.

2.  Ang lahok ay kailangang orihinal at nasusulat sa Filipino, hindi salin mula sa ibang wika at hindi pa nalalathala sa alinmang publikasyon. Hindi patatawarin ang sino mang nahuli at napatunayang nagkasala ng pangongopya. Kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nito sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.
3.  Malaya ang paksa bagaman maimumungkahi na may kaugnayan sa Pilipinas at Pilipino at walang takdang haba. Maaaring ilahok ang mga tulang may sukat at tugma at gayundin ang may malayang taludturan o ano mang anyo ng tula.

4.  Ang lahok ay kailangang may apat (4) na kopyang makinilyado o kompiyuterisado (Font 12 – Arial). Doble espasyo sa 8 ½ “ x 11” na bond paper na may palugit na isang (1) pulgada sa itaas at ibaba at sa magkabilang tabi.

5.  Isa (1) lamang tula ang maaaring isumite at hindi dapat ito magtaglay ng sagisag-panulat ng may-akda. May hiwalay na pormularyo sa paglahok na mada-download sa www.kwf.gov.ph. Ilakip ang pormularyo kasama ng lahok at electronic file. Lakipan ng larawan ang pormularyo sa paglahok. Hindi tatanggapin ang lahok na ipadadala sa pamamagitan ng email.

6.  Ang mga gantimpala ay ang sumusunod: una, P20,000.00 at karangalang maging “Makata ng Taon 2012”; pangalawa, P15,000.00; pangatlo, P10,000.00 at tropeo bawat isa; at, P5,000.00 at plake para sa magwawagi ng tatlong karangalang-banggit. Lahat ng lalahok ay tatanggap ng Katunayan ng Paglahok.

7.  Ang lahok ay maaaring dalhin nang personal o ipadala sa koreo sa:
Lupon sa Tula 2012
Komisyon sa Wikang Filipino
2/F Watson Bldg., 1610 J.P. Laurel St.
San Miguel, Manila
 

8. Ang huling araw ng pagsusumite ng lahok ay sa Marso 09, 2012. Ang mga lahok na ipinadala sa pamamagitan ng koreo ay kailangang matanggap ng KWF nang hindi lalampas sa petsang nabanggit.

9.  Ang pasiya ng inampalan ay pinal at di-maipaghahabol. Lahat ng lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok at angkin ng KWF ang karapatang mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa mga  makata.

10. Para sa karagdagang detalye tumawag sa  telepono blg. 736-2519, 736-0315 at 736-2521.


+  Follow me on Twitter and join my Facebook Page.  +
 
 

No comments:

Post a Comment

Thanks for dropping by! Hope you can follow me:

Youtube: http://youtube.com/Pintura14
FB Pages: http://facebook.com/vintersections | http://facebook.com/i.imagine.green

Twitter/IG/Tiktok/Pinterest: @ronivalle